Naghain ang mga naulilang pamilya ng apat sa mga pasaherong kasamang namatay ni basketball icon Kobe Bryant ng wrongful death claims laban sa kompanyang nagmamay-ari ng sinakyan nilang helicopter.
Nitong araw ng Linggo (o araw ng Lunes sa Pilipinas) nang ihain ang pinakabagong mga lawsuit sa isang Los Angeles Superior Court kontra sa Island Express Helicopters Inc. na siyang operator ng aircraft, at ang may-ari nito na Island Express Holding Corp.
Ang nasabing lawsuits ay isinampa ng mga kaanak ng mga biktima na sina Christina Mauser, maging sina John Altobelli, asawa nitong si Keri, at kanilang 14-anyos na anak na si Alyssa.
Batay sa reklamong inihain ng abugadong kumakatawan sa kapwa pamilya Mauser at Altobelli, inihayag nitong may nangyaring kapabayaan sa panig ng nasabing kompanya.
Una na ring naghain ng kaso laban sa helicopter firm ang mismong asawa ni Bryant na si Vanessa noong buwan ng Pebrero.
Matatandaang bumagsak sa gilid ng isang bundok sa Calabasas, California ang isang Sikorsky S-76 helicopter, dahilan para masawi sina Bryant, anak nitong si Gianna, at pitong iba pa.