BAGUIO CITY – Iniaapela pa rin ng pamilya ng dating sundalo na sinasabing nakadiskubre sa istatwa ng Golden Buddha sa lungsod ng Baguio noong 1971 ang pagbigay ng pamilya Marcos ng kaukulang kompensasyon sa kanilang pamilya at iba pang naging biktima ng human rights violations sa rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Iniyapela ito ni Gervic Roxas, anak ng yumaong si Rogelio Roxas sa panayam ng Bombo Radyo kasabay ng ika-48 na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law noong 1972.
Una na ring iginiit ng pamilya Roxas na dahil wala na ang diktador ay ang mga anak nito ang dapat humingi ng paumanhin sa mga naging biktima ng karahasan dahil hindi umano maitatanggi ang mga paglabag sa karapatang-pantao sa administrasyon ni Marcos.
Sinabi ni Gervic, matagal nang panahon ang nagdaan ngunit hindi nila maiwasang alalahanin ang ginawa ng dating Pangulong Marcos na pang-aagaw umano sa Golden Buddha na natagpuan ng kanilang ama sa isang kuweba sa siyudad at sa nangyari dito habang ipinaglalaban ang karaparan sa nasabing kayamanan.
Inalala nito na nang makarating umano ang impormasyon kay Pangulong Marcos hinggil sa naturang kayamanan ay ipinasalakay ng diktador ang kanilang bahay, pwersado raw nilang kinuha ang Golden Buddha, at hinuli nila si Roxas kung saan, ikinulong ito ng ilang taon kasabay ng pagpapahirap dito.
Ikinalulungkot din ng pamilya Roxas na hanggang ngayon ay hindi pa nadesisyunan ang kasong isinampa ng ama nila sa korte laban sa pamilya Marcos ukol sa Golden Buddha.