Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano para sa isang komprehensibo at sabay-sabay na diskusyon ukol sa legalisasyon ng divorce, annulment, at pagpapalakas ng pagsasamang mag-asawa upang tiyakin ang balanseng pagtugon sa mga marital challenges sa bansa.
binigyang-diin ni Cayetano ang kahalagahan ng pamilya bilang pundasyon ng bansa.
“We have to talk about strengthening marriages, together with the talks about divorce and annulment. Dapat sabay-sabay na pagusapan ‘yan kasi nga ang pamilya pa rin ang pinaka-fundamental na unit ng ating bansa,” wika niya.
Kinilala ng mambabatas ang realidad ng “impossible marriages” kung saan ang pang-aabuso o iba pang mga hindi maresolbahang isyu ay gumagawa ng patuloy na hindi katanggap-tanggap na pagpapatuloy ng pagsasama.
Pero aniya, hindi maaaring hiwalay na pag-usapan ang divorce dahil nasa usapin din ang annulment at ang pagpapalakas ng samahang mag-asawa.
“There are impossible marriages, [tulad nu’ng] mga naaabuso y’ung isang spouse. But kung paguusapan natin na hiwa-hiwalay ang divorce, annulment, at strengthening the family, hindi tayo magkakaintindihan,” wika niya.
Inihayag ni Cayetano ang pag-asa na makakamit ang isang kasunduan sa mga isyu na ito at makahahanap ng pinakamabisang solusyon.
“Lahat ng problemang iyan ay mayroong solusyon,” dagdag niya.