-- Advertisements --

Nanawagan ang grupo ng mga guro sa pamahalaan na magpatupad ng komprehensibong pagbabago o reporma sa basic education system ng Pilipinas.

Ginawa ng Teachers Dignity Coalition (TDC) ang apela kasunod na rin ng paglabas ng dalawang magkasunod na pag-aaral kung saan ang mga estudyanteng Pinoy ay nahuhuli sa critical thinking kumpara sa iba pang Asian students.

Ang isa pang pag-aaral ay nagsasabing nauubos ang oras ng mga guro dahil sa kanilang napakaraming administrative task at suspension ng mga klase.

Apela ng TDC, kailangan nang tugunan ng pamahalaan ang mga pangangailangan na magkaroon ng sapat at akmang mga silid-aralan, sapat na pasilidad, at tamang instructional materials.

Kailangan din anilang matugunan na ang pangangailangan ng sapat na teaching at non-teaching personnel upang tumugon sa pangangailangan ng mga estudyante.

Matatandaang sa inilabas na report ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) ay nasa pang-76 na pwesto ang Pilipinas mula sa 81 bansa sa buong mundo.

Sinukat dito ang comprehension o pang-unawa ng mga 15-year-old students batay sa kanilang pagbasa (reading comprehension), mathematics, at science.

Ayon sa grupo, ang kinalabasan ng naturang assessment ay posibleng dahil sa tuloy-tuloy na pambabalewala ng pamahalaan sa mga problemang nakaka-apekto sa basic education sa bansa.