-- Advertisements --

Naniniwala raw si Senate Minority Leader Franklin Drilon na posibleng magkaroon ng kompromiso ang gobyerno patungkol sa adjustment ng minimum access volume (MAV) at tarriff rates sa pag-import ng karneng baboy sa bansa.

Sa isinagawang hearing ng Senate Committee of the Whole sa epekto ng Executive Order No. 128 sa local hog industry, inihirit ni Drilon ang posibilidad na maaaring magkaroon ng kompromiso ang Senado at Department of Finance (DOF) sa pag-adjust ng MAV pero mananatiling pareho ang taripa ng mga ipapasok na baboy sa Pilipinas, pareho ito sa ginawa noong nag-import ng bigas.

Binigyang-diin ng senador na noong may taripa ang rice importation ay tinanggal ang quantitative restriction subalit nanatili pa rin ang tariff rates at saka na lang binabaan ng 20 percent ang presyo ng bigas sa bansa.

Ayon kay Drilon, kung nagawa na raw ang parehong hakbang noon ay hindi malayo na maaari ulit itong ipatupad ngayon.

Kung magkakaroon aniya ng reasonable level sa MAV at hindi babaguhin ang taripa ay hindi mawawalan ng halos P13-billion na taripa ang bansa. Bukod pa rito, maraming hog raisers fdin ang mahihikayat na ituloy ang kanilang produksyon.

Bukas naman daw si Finance Sec. Carlos Dominguez III sa suhestyon ni Drilon, subalit kakailanganin aniya ng mahabang panahon para ipatupad ang pagtataas sa volume ng mga imported na karneng baboy at pagbaba sa taripa.

Sinabi ni Dominguez na ang EO 128 ay hindi magiging dahilan upang tuluyang mawala ang swine industry sa bansa dahil tanging 22.8 percent lang ng total consumptopm ang masasakop ng naturang importation.

Ipinaalala rin ng kalihim na hindi basta-basta ang desisyon sa pag-aadjust ng import tariffs dahil sumailalim daw muna ito sa extensive deliberations at konsultasyon sa publiko at concerned agencies.