LEGAZPI CITY- Kinuwestiyon ni BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co sa pagdinig sa Kamara ang napakabagal na plano ng Department of Health para sa pagpapabakuna laban sa coronavirus disease sa bansa na maaring abutin ng tatlong taon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rep. Co, suhestiyon nito sa DOH na bilisan ang pagbabakuna sa mga Pilipino sakaling dumating na ang mga biniling COVID vaccines upang mas mabilis rin na makabalik sa normal ang sitwasyon sa bansa.
Malaking problema kasi umano kung taon ang bibilangan para sa vaccination program lalo pa’t papalapit na ang 2020 elections na isang importanteng aktibidad sa bansa.
Hiniling din ng Kongresista sa DOH na planuhin na ang delivery at paglalagyan ng mga bibilhing bakuna maging ang listahan ng mga prayoridad ng bibigyan nito upang mapabilis ang programa.
Sa susunod na buwan ng Pebrero inaasahang darating na ang nasa 20 milyon doses ang unang batch ng mga bakuna na gawa ng mga kompanyang Pfizer at Moderna.