-- Advertisements --

Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez sa mga negosyanteng Amerikano na suportado ng House of Representatives ang mga inisyatiba at programa ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang mas maging investor-friendly ang Pilipinas.

Binigyang-diin ni Romualdez na bilang lider ng Kamara, kaniyang mandato na i-promote ang mga polisiya na magpapa-unlad at magpalago sa ekonomiya ng bansa, at magagawa lamang ito sa pamamagitan ng partnership sa American businees community.

Si Romualdez ang guest of honor at speaker ng AmCham para sa kanilang June General Membership Luncheon Meeting kahapon na ginanap sa isang Hotel sa Makati City.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang magandang samahan ng Ehekutibo at Lehislatura ay nagresulta sa paglikha ng isang komprehensibong legislative agenda na nakatuon sa pag-unlad ng bansa.

Ayon sa lider ng Kamara, ang “Build Better More” program ng administrasyon ay sususugan ng Kongreso sa pamamagitan ng pagpasa ng mga panukala na makakapagpabilis sa pagproseso ng mga permit, pagpapalakas ng public-private partnership, at pagtiyak na mapopondohan ang mga proyekto.

Isusulong din umano ng Kongreso ang mga panukala na magpapalakas sa sektor ng edukasyon at kakayanan ng mga manggagawa upang manatiling competitive ang mga ito.

Bibigyang prayoridad din ng Kamara ang pagpapalawig ng paggamit ng kuryente mula sa mas malinis at renewable energy source bilang tugon din sa climate change.

Habang ang Maharlika Investment Fund (MIF) ay natapos na ng Kongreso at pirma na lamang ng Pangulo ang hinihintay upang maisabatas.

Sinabi ni Romualdez na naapektuhan ng pandemya ang ekonomiya ng bansa kaya kakailanganin ng mas agresibong mga hakbang upang lumaki ang kita ng bansa.