Walang inilaang pondo ang Kongreso para bigyan ng reward ang mga pulis na pumatay ng drug suspek.
Ayon kay Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety, bagamat naglaan ang mga nakaraang Kongreso para sa pagpapatupad ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte walang inilaan para gantimpalaan ng pamahalaan ang mga pulis at vigilante na nasa likod ng extrajudicial killings.
Iginiit ni Fernandez na ang pondo na inilaan ng mga nakaraang Kongreso sa war on drugs campaign ay para matugunan ang problema kaugnay ng iligal na droga at mabawasan ang krimen at hindi para gumawa ng mga hakbang na labag sa batas.
Sa dalawang affidavit na isinumite ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma sa House quad committee kinumpirma nito na mayroong reward system sa war on drugs ni Duterte kung saan binibigyan ng pabuya ang mga nakakapatay ng mga isinasangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Garma ang war on drugs campaign ay mula sa tinatawag na Davao Model na siyang ginamit ni Duterte sa Davao City noong siya ang alkalde ng lungsod.
Sa kanyang unang affidavit, sinabi ni Garma ang kaibigan ni Duterte na si Sen. Christopher “Bong” Go ang siyang nangangasiwa at nakikipag-ugnayan sa reward-driven anti-drug campaign.
Ayon kay Garma, isang retiradong police colonel, ang reward ay nagkakahalaga ng P20,000 hanggang P1 milyon depende sa target.
Sa kanyang ikalawang affidavit, kinumpirma naman noi Garma na mayroong Davao Death Squad o DDS, ang grupo ng mga pulis at rebel returnee na nagsasagawa ng pagpatay sa Davao.
Ang mga pahayag ni Garma ay kinumpirma naman ni dating National Police Commission Commissioner Edilberto Leonardo, na inirekomenda ni Garma kay Duterte upang ipatupad sa buong bansa ang Davao Model.
Bago nagsalita si Garma, humarap sa pagdinig ni retired Police Lt. Col. Jovie Espenido, na itinuturing na poster boy ng Duterte drug war at isiniwalat ang reward system.
Ayon kay Espenido galing ang pera na ibinibigay na reward sa jueteng at iba pang iligal na sugal, Philippine offshore gaming operators o POGO, intelligence funds, at kita mula sa small town lottery ng PCSO.
Sinabi ni Espenido na dumadaloy ang pera mula sa lebel ni Bong Go pababa sa mga pulis.
Iginiit ni Fernandez na bagamat suportado ng Kongreso ang war on drugs ni Duterte walang inilaang badyet para sa pagsasagawa ng EJK.
Diin pa ni Fernandez na dapat gamitin ng Kongreso ang oversight function nito upang matiyak na tama ang ginawang paggamit sa pondo.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Quad Comm, sinabi ni Fernandez na titiyakin ng Kongreso na walang pondo na ilalaan para sa pagsasagawa ng EJK.