BACOLOD CITY – Dalawa ang patay kabilang ang incumbent councilor ng Moises Padilla, Negros Occidental, matapos tambangan habang nangangampanya kaninang tanghali.
Ayon sa hepe ng Moises Padilla Municipal Police Station na si Police Captain Junjie Liba, tinambangan ang convoy nina Sangguniang Bayan member Michael Garcia habang dumadaan sa Dresden, Barangay Inolingan.
Dahil sa maraming tama ng bala, agad na namatay ang konsehal at ang kapatid nitong si Mark Garcia, dating punong barangay at presidente ng Association of Barangay Captains sa nabanggit na bayan.
Ayon kay Liba, kasama rin sa convoy ang sasakyan ni Moises Padilla Vice Mayor Ella Garcia-Yulo na kapatid din ng mga biktima ngunit nasa ligtas itong kalagayan.
Ayon sa mga nakasaksi sa krimen, sakay sa motorsiklo at gray na pick-up ang mga salarin na armado ng matatataas na kalibre ng baril na agad namang tumakas papunta sa katabing bayan ng Isabela, Negros Occidental.
Si Mark Garcia ay nag-resign bilang kapitan ng Barangay 1 noong December 2017 dahil sa karamdaman at agad namang tinanggap ni Mayor Magdaleno Peña ang kanyang resignation.
Ang kapatid naman nitong bise alkalde ay kakalabas lang ng kulungan matapos magpiyansa sa kasong illegal possession of firearms and explosives matapos mahuli sa checkpoint operation noong December 2017, kasama ang kanyang mister.
Samantala, sa panig ni Philippine National Police Police (PNP) Regional Office-6 regional police director P/Col. John Bulalacao, mariin nitong kinondena ang krimen kasabay ng pagtiyak sa agarang pagresolba sa kaso para matiyak na maging mapayapa pa rin ang nalalapit na halalan sa probinsya.
Nagsasagawa na rin ng hot pursuit operations ang PNP at Armed Forces of the Philippines laban sa mga suspek. (with report from Bombo Analy Soberano)