-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Matapos pinalaya ng mga pulis, nag-alok ng pabuya ang incumbent councilor ng Moises Padilla, Negros Occidental na inakusahang suspek sa pag-ambush sa convoy ng kanilang bise alkalde para sa ikakadakip ng mga suspek sa pagpatay sa dalawang konsehal sa kanilang bayan.

Sa pagharap ni Councilor Agustin ‘Nene’ Grande sa mga kasapi ng media kanina, inanunsyo nito ang pag-alok ng P2.5 milyong pabuya sa sino mang makakapagbigay ng impormasyon upang mahuli ang mga suspek na pumatay kay Councilor Jolomar Hilario sa kanilang bahay sa Barangay Inolingan at pag-ambush sa convoy ng kanilang bise alkalde.

Ipinakita rin nito ang hawak niyang cold cash na umaabot sa P2.5 million.

Nabatid na namatay si Councilor Michael Garcia at tiyuhin nitong dating punong barangay matapos tambangan ng armadong mga lalaki ang convoy ni Vice Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo nito lamang nakalipas na Abril 25.

Ayon kay Grande, naniniwala siyang mga miyembro ng New People’s Army ang responsable sa krimen.

Aniya, nangutang siya upang idagdag sa sariling pera upang mabuo ang pabuya sa mga suspek.

Ang P2.5 million ni Grande ay hiwalay sa P2 milyon reward ng lokal na pamahalaan ng Negros Occidental at local political party na Love Negros.