BACOLOD CITY – Ikinatuwa ng konsehal ng Moises Padilla, Negros Occidental na unang itinurong suspek sa pag-ambush sa convoy ng bise alkalde na siya ay pinalaya kagabi.
Nabatid na hindi tinanggap ng prosecutor ang inquest kay Councilor Agustin “Nene” Grande dahil sa mahinang ebidensya kaya’t pinalaya ang opisyal.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Bacolod kay Grande, pinasalamatan nito ang paglabas ng katotohanan matapos isinailalim sa kustodiya ng Moises Padilla Municipal Police Station matapos ang ambush.
Apela ng konsehal, ituro sana ng mga saksi ang totoong suspek at huwag idamay ang walang kinalaman sa krimen.
Nanindigan kasi si Grande na nangangampanya sila sa katabing Barangay Magallon Cadre nang mangyari ang ambush sa Hacienda Dresden, Barangay Inolingan, Huwebes ng tanghali na ikinamatay ng incumbent councilor at tiyuhin nitong dating punong barangay.
Una nang inihayag ng Police Regional Office 6 na nakakuha sila ng testigo na nagturo kay Grande na nakita ito sa ambush site at kausap niya ang mga suspek.
Umapela rin si Grande sa kagaya niya opisyal na panatilihin ang kapayapaan sa Moises Padilla at respetuhin ang resulta ng eleksyon.