BACOLOD CITY – Tiniyak ng konsehal na umano’y suspek sa pag-ambush sa convoy ng bise alkalde ng bayan ng Moises Padilla, Negros Occidental na tatalima ito sa batas matapos siyang hinuli ng mga pulis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Councilor Agustin Grande, itinanggi nito ang akusasyon na kausap niya ang mga suspek sa ambush site ilang minuto bago ang pagdaan ng convoy ni Vice Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo.
Giit ng konsehal, nangangampanya sila sa katabing Barangay Magallon Cadre nang mangyari ang pananambang at may mga testigo na makapagpatunay nito.
Aniya, nagkausap sila ni Police Regional Office (PRO-6) director, Brig. Gen. John Bulalacao at kanyang tiniyak na susunod ito sa imbestigasyon.
Ayon kay Grande, hindi niya alam kung sino ang nagturo sa mga pulis na namataan siya sa ambush site at nakausap nito ang mga suspek bago ang pagdaan ng convoy ni Yulo.
Hindi rin umano kilala ng konsehal ang isa pang indibidwal na hinuli ng mga pulis kasabay ng hot pursuit operations.
Si Grande ay kapatid ng bodyguard ni Moises Padilla Mayor Magdaleno Peña na pinatay noong May 1, 2015.
Una nang sinabi ni Yulo sa interview ng Bombo Radyo Bacolod na si Peña umano ang mastermind sa pananambang.