BACOLOD CITY – Nilinaw ng deputy chief of police ng Escalante City Police Station na hindi riding-in-tandem ang pumatay kay incumbent Sangguniang Panlungsod (SP) member Bernardino “Toto†Patigas.
Sa panayam kay Police Captain Ronald Santillan, inihayag nito isang persona lang ang nakasakay sa motorsiklo na sumusunod sa konsehal.
Ayon kay Santillan, galing sa lungsod si Konsehal Patigas at pauwi na sana ito sa kanilang bahay sa Sitio Cogon 1, Barangay Alimango lulan ng kanyang minamanehong motosiklo nang ito’y sinundan ng suspek na sakay din sa isang motorsiklo.
Habang nasa Purok Highschool sa nasabing barangay, bigla na lang binaril ng suspek ang konsehal sa kanyang likod kung saan ito ay nahulog sa kanyang motorsiklo.
Hindi pa nakontento ang suspek at kanya pa itong binalikan para barilin sa ulo, dahilan ng tuluyang pagkamatay ng biktima.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala ng .45 calibre sa ulo si Patigas habang isa naman sa kanyang katawan.
Kaugnay nito, inabisuhan ni Police Col. Romeo Baleros, provincial director ng Negros Occidental Provincial Police Office ang Escalante Police Station, na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pagpatay kay SP member Patigas.
Ayon kay Baleros, magbibigay ng koordinasyon ang pulisya gayundin ang pamilya ng biktima upang malaman kung mayroong nakaaway ang konsehal na posibleng may kayang gumawa nito sa kanya.
Naghahanap na rin ang mga otoridad ng mga ebidensya at testigo sa insidente, gayundin ang paglunsad ng checkpoint operation sa lahat ng mga posibleng dinaanan ng suspek matapos ang krimen.
Si Patigas ang “oldest survivor†sa 1985 Escalante Massacre at kasalukuyan ding secretary general ng Northern Alliance of Human Rigths.
Nabatid na si Patigas ang ikalawang konsehal sa Negros Occidental na pinaslang ngayong taon.
Nitong Marso lang nang pinasok naman ng mga miyembro ng New People’s Army ang bahay ni Moises Padilla Councilor Jolomar Hilario at ito’y pinatay.