-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Patay on the spot ang isang municipal councilor at isang security escort nito sa pananambang sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Kudjie “Robin” Mindalagat, municipal councilor ng Datu Montawal, Maguindanao at close-in escort niya na si Mokamad Mindalagat habang sugatan si Mokamid Mindalagat.

Ayon kay Cotabato police provincial director Col. Maximo Layugan na habang lulan si Mindalagat sa kanyang kotse kasama ang dalawang security escort nito na kanyang mga kamag-anak din papauwi na sana sa bayan ng Datu Montawal ngunit pagsapit nila sa Brgy Kayaga, Kabacan, North Cotabato ay bigla silang pinagbabaril ng mga hindi kilalang mga suspek gamit ang kalibre .45 na pistola at M16 armalite rifles.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng dalawang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Kabacan.

Patay on the spot ang dalawa sa mga biktima nang magtamo sila nang maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan habang isa naman ang naisugod sa pagamutan.

Bago nangyari ang pamamaril sa mga biktima ay namili umano ito ng pagkain at alcohol sa bayan ng Kabacan dulot nang pangamba hatid ng COVID 19.

Kinondena naman ni Datu Montawal Mayor Datu Otho Montawal ang pananambang sa mga biktima at hiniling sa mga otoridad ang malalimang imbestigasyon.

Personal na alitan o rido ang natatanaw na motibo ng Kabacan PNP sa pamumuno ni Major Peter Pinalgan Jr. sa pananambang sa mga biktima na patuloy nilang iniimbestigahan.