BAGUIO CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Pilar Municipal Police Station para sa pagkakakilanan sa suspek sa pagpatay sa isang re-elected Sanggunian Bayan Member ng Pilar, Abra.
Nakilala ang biktima na si Amante Doral, 63, residente ng Kinabiti, Pilar, Abra.
Batay sa report, nakibahagi pa ang opisyal sa flag raising ceremony sa kanilang munisipyo nitong Lunes ng umaga.
Matapos nito, sumakay sa motorsiklo ang biktima kasama ang kanyang anak na Jocker Doral, 18, at nang nakarating sila sa bahagi ng Barangay Narnara, Pilar ay bigla na lamang silang pinaputukan ng baril.
Nakita na lamang ni Jocker Doral ang kanyang ama na nahulog sa motorsiklo dahil sa tinamo nitong tama ng baril.
Naisugod sa pagamutan ang konsehal ngunit naideklara itong dead on arrival.
Tinutuklas na ng mga awtoridad ang motibo sa pagpatay sa nasabing muling nahalal na konsehal.