KORONADAL CITY – Inaalam na ng Philippine National Police (PNP) kung sino ang responsable sa pagtatapon ng isang plastic cellophane na may lamang dumi ng tao sa isang station manager sa Cotabato City.
Sa report na ipinaabot sa Bombo Radyo Koronadal, hinagisan ng dumi ng tao ang Brigada News FM-Cotabato station manager at Cotabato City Councilor na si Florante “Popoy” Formento habang papasok ito sa session hall ng Sangguniang Panlungsod.
Nakasuot pa raw barong Tagalog ang konsehal nang mangyari ang insidente.
Kaagad naman umanong hinabol ni Formento kasama ang civilian secuirty ang lalaki ngunit mabilis itong nakatakas.
Wala na raw nagawa ang konsehal kundi ang umuwi upang maligo at agad ding nakabalik sa sesyon.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Cotabato City Vice Mayor Graham Nazzer Dumama sa security unit ng City Hall na paigtingin ang pagbabantay sa bisinidad lalo na kung may gaganaping sesyon.
Sa ngayon, personal na galit ang isa sa mga tinitingnang motibo ng PNP sa insidente.
Napag-alaman na ito na ang ika-2 beses na nangyari ang insidente kung saan hinagisan din ng dumi ng tao ang sasakyan ng parehong station manager.