(Update) BAGUIO CITY – Nananatili sa ospital ang mga biktimang nasugatan sa nahulog na sasakyan sa bangin sa Kabayan, Benguet kahapon.
Una nang nasawi sa naturang aksidente ang konsehal ng Tinoc, Ifugao habang sugatan ang limang kasama nito.
Nakilala ang namatay na si Tinoc Municipal Councilor Mercury Caridad Binwihan, 54-anyos, may asawa at residente ng Impogong, Tinoc, Ifugao.
Ang mga nasugatan naman ay nagngalang Norwin Polon Carpio, 34-anyos ng Poblacion, Kapangan, Benguet; Jonathan Wakat Binwihan, 20, taga-Impogong, Tinoc, Ifugo; Elsa Tabingan Paeng, 52, mula sa Nabalicong, Buguias, Benguet; Analiza Paeng Carpio, 32, residente ng Natubleng, Buguias, Benguet; at si Leizel Ann Pael Dulnuan, 25, engineer, residente ng Asin, Tuba, Benguet.
Batay sa report ng pulisya, nagmula sa La Trinidad, Benguet ang pick-up na may plakang CML 599 na minamaneho ng konsehal at lulan ang limang pasahero.
Patungo sana sila sa Mangkew, Pacso, Kabayan, Benguet para dumalo sa lamay ng isa nilang kamag-anak.
Gayunman, habang nasa pababang bahagi ng kalsada ay hindi natantiya ang kurbang bahagi ng kalsada na nagresulta sa pagkahulog ng pick-up sa bangin na may lalim na tinatayang 50 meters.
Kaagad itinakbo sa pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival si Councilor Binwihan.
Wasak ang pick-up kung saan natagpuan itong naharang ng isang punong kahoy sa ibaba ng bangin.