LAOAG CITY – Dinala sa pagamutan sa Lungsod ng Batac ang isang konsehal matapos mahulog ito sa malalim na bangin sa Apayao Road sa Barangay Manalpac, Solsona, Ilocos Norte.
Nakilala ang konsehal na si Sangguniang Bayan Member Mark Dennis Del Castillo, residente sa nasabing bayan.
Ayon kay Police Major Arnel Tabaog, hepe ng Solsona-Philippine National Police, nahulog ang sinakyan ng konsehal sa bangin na may lalim na 50 hanggang 70 metro.
Aniya, posibleng pumutok ang gulong ng sasakyan kaya nawalan ito ng kontrol bago bumaliktad at tuluyang nahulog sa bangin.
May mga tao naman na nasa ibaba ngunit ang akala nila ay isa itong landslide.
Sinabi ng hepe na noong nagkamalay ang konsehal dahil sa tunog ng videoke, tsaka lamang ito nakapagpasaklolo sa mga tao at naisugod sa Rural Health unit.
Gayunman, inilipat din ito agad sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Batac City.
Nagtamo lamang si Del Castillo ng sugat sa mukha at balikat dahil gumana ang airbag ng kanyang sasakyan.