-- Advertisements --

Inihain ng miyembro ng Makabayan bloc kasama ang transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) sa Kamara ang House Resolution 1506 na nanawagan para ibasura ang deadline para sa konsolidasyon ng mga prangksia ng mga pampublikong dyip sa Disyembre 31.

Iginiit ni Makabayan bloc member Gabriela Rep. Arlene Brosas na naapektuhan ang kabuhayan ng mga tsuper ng dyip dahil sa franchise consolidation na magbibigay daan aniya sa pag-phase out ng mga tradisyunal na dyip base na rin sa mga pahayag ng mga tsuper.

Kayat hinimok ng mambabatas ang pamahalaan na makipagkasundo at isinulong sa pamahalaan ang paglalaan ng pondo para matulungan ang mga jeepney driver para ma-convert ang kanilang mga makina at tumalima sa PUV modernization program.

Sa panig naman ng Piston, hinikayat ng presidente ng grupo na si Mody Floranda na palakasin na lamang ang lokal na industriya.

Matatandaan na una ng inihayag ng transportation department na handa itong ibigay ang demands o hinihiling ng mga tsuper sa ilalim ng PUV program maliban sa isyu ng franchise consolidation.

Sa ilalim kasi ng naturang programa, binigyan ang mga operator at tsuper ng dyip hanggang Dec. 31 para umanib sa kooperatiba para magkaroon ng mas mabilis na access sa pondo lalo na kapag nagaapply ng loans.