Todo depensa ngayon ang Bureau of Corrections (BuCor) sa konstruksiyon nila ng pader malapit sa residential areas sa Muntinlupa City.
Ayon sa BuCor, ito raw ay para matugunan nila ang iligal na aktibidad sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) Camp.
Ginawa ng BuCor ang statement matapos sirain ng mga residente ng Katarungan Village ang naturang pader dahil nakaharang ito sa kalsadang papunta sa city proper.
“This measure is made in response to several incidents and reports on illegal activities perpetuated inside the NBP Camp,” ayon sa BuCor.
Sinabi ng BuCor na mayroon pa naman daw daan sa o access points gaya ng Daang Hari Road.
Ang Muntinlupa City Hall ay puwede ring pasukin sa pamamagitan ng Green Heights Subdivision na pansamantala nilang isinara pero puwede naman umanong buksan.
Una rito, ipinag-utos na ng Department of Justice (DOJ) sa BuCor na itigil ang pagtatayo nito ng pader sa Barangay Poblacion sa Muntinlupa City.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kailangang magkaroon nang maayos na konsultasyon sa lokal na pamahalaan at barangay hinggil sa konstruksyon.
Dagdag ng kalihim, hindi raw inabisuhan ang DoJ sa plano ng BuCor na maglagay ng pader sa nasabing barangay.
Sinira ng mga residente ng Muntinlupa City noong Biyernes ang pader na itinayo ng BuCor habang hinaharangan nito ang kanilang daan mula sa Katarungan Village 1 at 2 hanggang sa city proper.
Sinabi rin ni Muntinlupa City Mayor Jimmy Fresnedi na nakaharang din ang konkretong pader sa ruta ng mga guro at estudyante sa Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa at Muntinlupa National High School.