DAVAO CITY – Ininspeksyon ng mga tauhan ng Davao City Engineer’s Office at Office of the City Building Official ang gusali sa Buhangin-Cabantian Road, Davao City kung saan nahulog at namatay ang magkapatid na construction worker na sila Noli Antao at Garry Antao nitong Miyerkules ng hapon.
Partikular na binisita nito ang Building C sa Amani Grand City Gate Condominium na kasakuluyang itinatayo ng Grand City, Inc.
Napag-alaman ng inspection team na kumpleto sa safety gear ang mga trabahante, kasama na dito ang safety net sa bawat gilid ng building. Kinumpirma rin ng Office of the City Building Official nga may building permit ang pagpapatayo ng nasabing gusali. Pero dahil sa nangyaring insidente, posibleng papatawan nila ng work stoppage order ang contractor para sa malalimang imbestigasyon.
Iilan sa mga tinitingnan anggulo ng OGBO ang pagkukulang ng contractor at ng safety officer sa nasabing gusali. Sa ngayon ay inaantabayanan nalang ang resulta sa imbestigasyon mula sa OGBO para sa pag-isyu ng work stoppage order sa ilalim ng DOLE 11.
Posible rin umano na mahaharap sa kasong paglabag sa occupational safety and health standards of a workplace ang construction company na nanguna sa construction sa Building C ng Amani Grand City Gate Condominium.