Itinanggi ng kampo ng may-ari ng Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga na may mga iregularidad sa konstruksyon ng gumuhong gusali matapos maapektuhan ng lindol noong Lunes.
Ayon kay Atty. Adenn Sigua, abogado ng supermarkertowner na si Samuel Chu, bago itinayo ang apat na palapag na gusali ay pumasa ito sa lahat ng required testing.
Pumalag din ito sa mga ulat na nagsabing hanggang dalawang palapag lang ang orihinal na disenyo ng establisyemento.
Nauna ng nangako si Chu na magpapaabot ng P50,000 tulong sa pamilya ng mga nasawi, gayundin na sasagutin umano nito ang gastusin ng mga nasa ospital.
Samantala, sinabi ng Pampanga PNP na patuloy ang kanilang pangangalap ng salaysay sa mga survivors hinggil sa posibilidad na sampahan ng kaso si Chu.
Batay sa huling datos ng Office of Civil Defense, lima ang patay habang walo ang sugatan muli sa bumigay na gusali.
Patuloy naman ang search and rescue operations bagamat wala na raw senyales ng buhay na nabatid mula sa ground zero.