-- Advertisements --

Ipinatitigil ng isang grupong makakalikasan ang pagpapatuloy sa konstruksyon ng Samal Island-Davao City Connector Project.

Kung saan nais ng grupo na kinabibilangan ng mga environmental advocates, legal experts at marine scientists na mapahinto ang naturang proyekto.

Dahil dito, napagpasyahan nilang dumulog na sa kataas-taasang hukuman ng bansa o Korte Suprema sa paghahain ng isang petisyon kontra sa konstruksyon.

Inahain nila ang isang petisyon na ‘Writ of Kalikasan’ upang isapormal ang pagtutol sapagkat anila’y matagalan at malawak ang epekto ng posible pang masira sa kalikasan bunsod nito.

Ayon naman kay Carmela Marie Santos ng Ecoteneo, ng Ecological Advocacy group ng isang kilalang unibersidad sa Davao, noon pa raw nila tinututulan ang Connector Project ngunit sa pagkakataong ito’y nais na nilang Korte Suprema na ang duminig ng kanilang hinaing.

Aniya, sinubakan naman nilang lumapit sa lokal na pamahalaan subalit hindi ito natugunan ng maayos ng mga kinauukulan.

Bukod pa rito, nakapaloob sa kanilang inihaing ‘writ of kalikasan’ ang petisyon at hiling na temporary environmental protection order laban sa mga aktibidad ng pagpapatayo ng tulay.

Bahagi din rito ang kahilingan na ipag-utos nito ang permanenteng pagpapahinto sa proyekto at pagkakaroon ng rehabilitasyon sa mga nasira umanong coral reefs ecosystem sa naturang lugar.