CENTRAL MINDANAO-Nakararanas ng palagiang pag-ulan ang probinsya ng Cotabato kaya nabalam Maritubog Maridagao Irrigation Project (MALMAR) sa bayan ng Pikit Cotabato na target sanang matapos ngayong Disyembre, 2020
Ayon kay Engineer Saleh Kabunto, ang project manager ng MMIP 1 and 2, sinisikap nilang mapabilis ang paggawa sa naturang proyekto ngunit dahil sa mga pag ulan at pagbaha ay naantala ito.
Gayunpaman, mayroon aniyang mga Kontraktor ang gumagawa kapag maganda ang panahon.
Sa ngayon aniya ay nasa stage 2 at malapit nang matapos ang proyekto na tumatahak mula sa mga bayan ng Carmen, Pagalungan, Montawal, Pikit at Aleosan na inaasahang magsu-supply ng tubig sa mahigit 17,000 ektaryang palayan.
Matatandaan na umikot si Cotabato Governor Nancy Catamco sa mga barangay na binaha sa bayan ng Pikit noong buwan ng Hulyo, ang hindi pa natatapos na MalMar irrigation project ang isa sa itinuturong dahilan ng mga residente sa malawakang pagbaha.
Agad nagpatawag ng pulong ang gobernadora upang malaman ang kasalukuyang estado ng proyekto at mahanapan ng agarang solusyon ang problema.
Idinagdag pa ni Eng. Kabunto na tinatapos na nila ang program of works para sa rehabilitasyon ng Kalawag Creek, isa sa problema na kanilang inilahad kay Governor Catamco at 1st District Congressman Joselito Sacdalan na dahilan ng pagbaha sa bayan ng Pikit kapag malakas ang buhos ng ulan.
Tiniyak ng opisyal na agad agad nila itong trabahuin dahil sa commitment na tugunan ang hiling ng Gobernadora na solusyunan ang problema ng baha.
Humingi ng pang unawa at pasensya si Engineer Kabunto sa mga apektadong residente at aniya, sa oras na matapos na ang proyektong ito ay tiyak na uunlad ang buhay ng mga residenteng makikinabang sa patubig na proyekto ng gobyerno.