Kinumpirma ng Philippine Consulate General sa New York na walang Pilipinong nadamay o nasugatan sa sumiklab na malawakang wildfire sa Ocean County, New Jersey.
Ayon kay Consul General Senen Mangalile, masusing sinusubaybayan ng Konsulada ang sitwasyon doon simula nang sumiklab ang apoy at nagsumite na rin aniya sila ng opisyal na ulat sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa Maynila para sa updates sa insidente.
Hinimok naman ng Konsulada ng Pilipinas ang mga miyembro ng Filipino community sa mga apektado ng wildfire na manatiling alerto at sundin ang mga abiso mula sa mga lokal na awtoridad.
Pinapayuhan din ang mga Pilipino doon na mangangailangan ng tulong o nais na magpaabot ng kanilang concern na tumawag nang direkta sa Konsulada.
Una rito, base sa mga lokal na awtoridad sa New Jersey, nagsimula ang wildfire noong araw ng Martes, Abril 22 sa may Greenwood Forest Wildfire Management Area.
Mabilis na kumalat ang apoy sa libu-libong ektaryang kagubatan na nagbunsod ng paglikas sa mga karatig na residential areas.
Sa pinakahuling update sa wildfire, tinatayang nasa 50% ng wildfire ang naapula na.
Sa isang press conference, sinabi ni New Jersey commissioner of environmental protection Shawn LaTourette na ang naturang wildfire ang pinakamalaking naitala sa estado simula noong Mayo 2017 na tumupok na sa 17,000 ektarya.