Nagbabala ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS na makakatanggap ng warning notices ang mga konsyumer na sobra-sobra kung gumamit ng tubig.
Ayon kay MWSS Water and Sewage Management Department manager Patrick Dizon, imo-monitor daw nila ang mga residential areas na magkakaroon ng biglaang pagtaas ng monthly consumption nito sa tubig.
Aniya, magsasagawa sila ng imbestigasyon sa kabahayan na mayroong malaking pagtaas sa konsumo ng tubig. At kung mapatunayan umano na walang leak sa kanilang kabahayan ay saka ito bibigyan ng warning. Tutulungan at tuturuan din daw ito ng ahensiya kung paano makakatipid sa paggamit ng tubig.
Dagdag pa ni Dizon, nagsasagawa ang pamahalaan ng iba’t ibang water conservation measures ngayong matinding tag-init kabilang na ang pagpapababa sa water pressure.
Ang MWSS nga ay magpapatupad ng low water pressure mula alas-dyis ng gabi hanggang alas-kwatro ng umaga.
Sa kabila nito, siniguro ni Dizon na hindi ito magbubunga ng biglaang service interruptions dahil inaanunsiyo naman daw ng Maynilad at Manila Waters kung mayroon itong gagawing maintenance activities na magdudulot ng sandaling pagkawala sa serbisyo ng tubig.
Mahigit 100 siyudad at munisipalidad na nga ang isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding init ng panahon dulot ng El Nino.
Dahil dito, araw-araw ay may naitatalang pagbaba ng lebel ng tubig sa ilang mga dam partikular na sa Angat Dam na ayon sa huling tala ngayong Biyernes ay nasa 189.62 meters na lebel ng tubig; ilang metro na lamang bago umabot sa minimum operating level ng naturang dam na 180 meters.