Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko bago kumain ng sikat na panghimagas ng mga Pinoy na halo-halo dahil madali itong makontaminado ngayong tag-init.
Inisyu ni Health Sec. Ted Herbosa ang naturang paalala matapos na isugod sa ospital ang nasa 10 katao makaraang makaranas ng pananakit sa tiyan at pasintabi po pagsusuka doon sa Kidapawan City dahil sa umano’y kinain nilang halo-halo.
Paliwanag ng kalihim na kapag nakontaminado ang halo-halo magdudulot ito ng acute gastroenteritis.
Gayundin, minsan galing sa ice facory na hindi malinis o galing sa ice chest ng isda o karne ang yelo na nilalagay sa halo-halo.
Maaari ding pagmulan aniya ng stomach distress kapag napanis ang gatas na isa sa ingredients ng halo-halo kapag nakonsumo.
Kayat mahalaga aniya na malaman ng publiko ang proseso kung paano ginagawa ang nasabing dessert gayundin kung saan kinuha ang mga sahog nito.
Samantala, inihayag ni Sec. Herbosa na maliban sa kaso ng diarrhea, tumataas din ang mga tinatamaan ng food at water-borne diseases kapag mainit ang panahon.