Kinumpirma ng Malacañang na kasama sa pinapa-review ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bagong kontrata at loan agreements na pinasok ng Pilipinas sa China.
Magugunitang sa Cabinet meeting kagabi, inatasan ni Pangulong Duterte ang Solicitor General, Department of Justice Secretary at lahat ng legal departments para rebyuhin at busisiin ang lahat ng kontratang pinasok ng gobyerno sa private corporations o sa ibang bansa para alamin kung may kuwestiyonableng probisyong dehado ang Pilipinas o may paglabag sa Konstitusyon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, lahat ng mga “existing contracts” ay kasama sa ire-review at pananagutin ang mga responsableng opisyal kung may makitang paglabag ang kontrata.
Ayon kay Sec. Panelo, nag-ugat ito sa kontratang pinasok ng Ramos administration sa Maynilad kung saan may probisyong bawal makialam ang gobyerno kahit sa terms of contract.
Dahil daw sa nasabing ruling, natalo ang gobyerno sa arbitration at pinagbayad ng P3.5 billion matapos sisihin ng Maynilad ang government intervention sa dinanas na pagkalugi sa operasyon.
Kaya nais daw makatiyak ni Pangulong Duterte na hindi na mauulit ang ganitong dehadong posisyon ng gobyerno sa mga kontrata.
“He directed the Solicitor General, the Department of Justice Secretary and all legal departments to review, evaluate, scrutinize every contract entered by the government and/or its agencies with private corporations and/or countries and determine whether there are onerous provisions in the contract that will put the Filipino people in disadvantage or in violation of the Constitution,” ani Sec. Panelo.