Inatasan ni House Committee on Ways and Means chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang PAGCOR na kanselahin na ang kontrata ng dalawang third-party audit firm na nagmo-monitor sa kita ng POGO at e-games industry sa bansa.
Sinabi nito na aabot ng hanggang P14 billion sa loob ng 10 taon ang nasasayang ng pamahalaan bilang pambayad sa Global ComRCI at Electronic Gaming Management System (EGMS).
Ang naturang halaga ay mas malaki pa aniya sa P400 million na taunang nakokolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa mga POGO lamang.
Sa pagdinig ng House Committee on Games and Amusement nitong Martes ng umaga, binigyan diin ng Commission on Audit na kaya nilang gawin ang trabaho ng dalawang third party operations auditor.
Kaya naman para kay Salceda, ang pagpasok ng PAGCOR sa mga kontratang ito ay hindi pabor sa interes ng gobyerno.
Kaya marapat lamang ayon kay Salceda na ipaubaya na ng PAGCOR ang trabaho ng dalawang third party audit firm sa COA.
Samantala, sinabi naman ni House Committee on Games and Amusement chairman Eric Yap na mas mabuting umuwi na lamang sa China ang mga POGOs kapag hindi nagbabayad ang mga ito ng kanilang buwis.