-- Advertisements --

Inihayag ng opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi makakaapekto ang kontrobersiya may kaugnayan sa apat na puganteng hapon na kasalukuyang nakadetine dito sa Pilipinas sa pagbisita ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan sa susunod na linggo.

Ayon kay DFA Assistant Secretary Neal Imperial, ang naturang usapin ay inaareglo na ng Department of Justice (DOJ) at Japanese Embassy sa Maynila katuwang ang Ministry of Justice sa Tokyo, Japan.

Sinabi ni Imperial na kapag mayroon ng desisyon sa pagpapa-deport sa mga nasabing Japanese nationals, susundin ng Pilipinas ang timeline ng deportation proceedings alinsunod sa batas.

Una ng inanunsiyo ng Malacanang na nakatakdang magtungo ang Pangulo para sa isang working visit sa Japan mula Pebrero 8 hanggang 12.

Una na ring ibinunyag ng Justice department na isang Imamura Kiyoto ang inisyuhan ng summary deportation order na may petsang Enero 30, 2020 dahil sa mga kasong pagnanakaw sa Japan.

Habang ang umano’y leader ni Imamura na si Yuki Watanabe o alias Luffy ay inisyuhan din ng summary deportation order na may petsang May 28, 2021 para sa kasong paggamit ng palsipikadong official marks at pagnanakaw.

Ayon sa DOJ, magpapatupad ang Bureau of immigration ng Summary Deportation Order sa nasabing mga pugante sa lalong madaling panahon sa oras na makakuha ng kailangang mga clearance at travel documents.