Lalo pang nabaon sa iskandalo ang world’s No. 1 tennis player na si Novak Djokovic matapos kumpirmahin ng gobyerno ng kanyang bansa sa Serbia at maging ang Spain na iniimbestigahan siya dahil sa umano’y paglabag sa health protocols.
Una nang inamin ni Djokovic na ngayon ay nasa Australia, na nagkamali siya na magpa-interview sa media noong Disyembre kahit siya ay COVID-19 positive.
Batay sa batas sa Serbia, maaari siyang makulong pero dahil itinuturing siyang national hero, possible namang mapababa ito sa multa.
Giit naman ni Djokovic na hindi niya alam na taglay niya ang virus habang dumadalo sa mga public events.
Ang ikatlong bansa naman na Spain ay nag-iimbestiga dahil sa iligal umanong pagpasok nito kahit hindi bakunado bago dumiretso ng Australia.
Samantala, namemeligro pa ring ipa-deport ng Australia si Djokovic sa kabila na kinampihan sya ng judge sa Melbourne na payagan siyang idepensa ang korona sa Australian Open na magsisimula na sa Lunes.
Matindi pa rin ang inaaning atensiyon ngayon ni Novak sa Australia dahil pursigido ang ilang gov’t officials na palayasin siya at tuluyang kanselahin ang kanyang visa.