Pormal nang nanumpa sa tanggapan ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang bagong talagang Bureau of Corrections (BuCor) Chief Director General Gerald Quitaleg Bantag.
Pagkatapos ng kanyang panunumpa ay mag-a-assume agad ito sa kanyang puwesto bilang BuCor chief kapalit ng sinibak na si Nicanor Faeldon.
Una rito kasabay ng pagbisita ng bagong talagang BuCor chief, agad umanong nagbigay si Guevarra ng direktiba sa opisyal.
Ayon Kay Guevarra, mahigpit niyang pinatututukan kay Bantag ang tatlong isyu kapag umupo na ito sa puwesto.
Una rito ang paglinis sa nangyaring iskandalo dahil sa good conduct time allowance (GCTA) Law.
Pangalawa ang pagtutok ng opisyal sa full computerization ng BuCor at panghuli ay ang pagpapatigil sa kalakaran ng iligal na droga sa loob ng piitan.
Ginawa ni Guevarra ang kautusan matapos magkita ang dalawa sa unang pagkakataon kaninang umaga nang dumalaw si Bantag sa opisina ng kalihim.
Setyembre 17 nang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bantag bilang bagong BuCor chief kapalit ni Faeldon dahil sa mga isyu sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) partikular ang maanomalyang pagpapatupad ng GCTA Law.