Pinasisiyasat ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kung nagbayad ba ng 12% value added tax (VAT) ang kumpaniyang Pharmally, na ka-deal ng pamahalaan sa medical supplies.
Ayon kay Drilon, lumitaw na kumita ang Pharmally ng halos P400 million sa loob ng tatlong buwang pagbebenta nito ng health kits, ngunit walang malinaw na record sa pagbabayad ng buwis.
Sinabi pa ng mambabatas na dahil sa laki ng kinita ng Pharmally mula Abril hanggang Hunyo ay dapat magbayad ito ng buwis na alinsunod sa umiiral na National Internal Revenue Code.
Lumalabas din daw na hindi manufacturing company ang Pharmally, kung hindi isang trading company na nag-aangkat ng medical supplies sa China at ibinebenta naman dito sa Pilipinas.
Pero una nang ipinagtanggol ni Presidential Spokesman Harry Roque ang pagpasok ng pamahalaan sa maliliit na kompaniya, basta ang mahalaga raw ay nakakapag-deliver ito ng naaayon sa pangangailangan.