LEGAZPI CITY – Kinontra ng isang mambabatas ang pinatutupad ng “no vaccine, no entry policy” sa lalawigan ng Masbate kaugnay ng patuloy na banta ng coronavirus disease.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Masbate 1st District Rep. Narciso Bravo Jr., nakikipag-ugnayan na umano siya kay Bicol IATF chairman at DILG Director Anthony Nuyda upang matugonan ang isyu na tinawag nitong discriminatory para sa mga hindi pa nababakunahan.
Sa ilalim kasi ng polisiya bawal na pumasok sa lalawigan ang mga hindi pa fully vaccinated at dapat na 15 araw na ang nakakalipas ng mabakunahan, bagay na mahirap umano para sa mga authorized persons outside of residence (APOR) na nagtatrabaho sa labas ng lalawigan.
Ibinigay na halimbawa ni Bravo ang nangyari sa Lapu-Lapu City na nagpatupad rin ng kaparehong hakbang subalit mismong si Interior Secretary Eduardo Año ang kumontra at nagpatigil.
Pinuna rin ng opisyal ang biglaang pagpapatupad ng restriction dahilan upang pumalo na sa mahigit 260 na mga pasahero ang stranded ngayon sa patalan ng Pio Duran at di pa pinapayangang makabiyahe papunta sa lalawigan.
Ngayong araw nakatakdang makipag-usap ang Bicol IATF sa local IATF patungkol sa isyu, habang nakahanda naman ang kongresista na idulog ito kay Sec. Año kung hindi parin masosolusyonan.