-- Advertisements --

DAVAO CITY – Ibinunyag ni First District Councilor Tek Ocampo na nakalakip pa rin ang donasyon ng gobyerno ng Japan nitong 2018 na nagkakahalaga ng mahigit 5 billion Yen o nasa mahigit P2 billion para sa itatayong waste-to-energy facility sa Davao City.

Hinihintay na lamang ang approval ng NEDA 11 para sa proyekto na nangangailangan rin ng counterpart fund na hindi bababa sa P 3.49 billion mula sa national government upang idagdag sa naging ambag ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Suportado rin ng lokal ng pamahalaan ang naturang proyekto dahil naisapinal na rin ito sa implementation stage at inaprubahan ito ng nagdaang konseho.

Hinihintay na lamang ang patnubay ng NEDA para sa budget requirement ng naturang proyekto na sinusuportahan naman ng Department of Energy at Department of Environment and Natural Resources.

Samantala, nilinaw din naman ng konsehal na walang maidudulot na masama ang gagawing water to energy facility ng Davao City Government.

Naging batayan nito ang mga pag-aaral mula sa mga bansang gumagamit rin ng nasabing teknolohiya na ligtas at hindi nakasisira ng kalikasan.

Ngunit merong mga grupo na minamanmanan ang naturang proyekto dahil na rin sa posibleng pagkasira ng biodiversity sa lungsod, partikular na sa mga watershed.

Idinidiin rin na kalahating porsyento lamang ng mga organic na basura ang magagamit sa nasabing teknolohiya kaya hindi rin ito tuluyang magagamit.

Ayon sa CENRO na umabot mula 600 hanggang 700 tonelada ng basura ang nahahakot sa lungsod bawat araw, ngunit ipinaliwanag naman ni Ocampo na magpapatuloy ang segregation process kahit na sa pagtayo ng naturang pasilidad.

Ngunit binali ito ng Interfacing Development Interventions and Sustainability o IDIS executive director na si Atty. Mark Peñalver, na nagsasabing iyon ay isang delikadong paraan dahil hindi raw ito renewable at mas maraming greenhouse gases ang mapo-produce ng pasilidad.

Dagdag pa ng opisyal na bumubuga ng carcinogenic substance ang incinerator na mapanganib sa mga residente malapit sa itatayong pasilidad.

Itatayo ang WTE facility, 2.2 kilometers ang layo mula sa Biao Escuela Elem School, at 550 meters mula sa relocation site sa Catalunan Grande sa lungsod ng Davao.