Maaari pa rin tumakbo ng kandidato sa ngayon para sa May 2025 midterm elections ang kontrobersyal na alkalde ng Bamban Tarlac na si Alice Guo.
Ito ang inihayag ng Commission on Elections sa gitna ng mga kontrobersiya at misteryong bumabalot sa pagkatao ni Guo na iniuugnay din ngayon sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator.
Paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia, maaaring kumandidato ang isang Local official para sa halalan hangga’t wala pang inilalabas na final conviction ang korte ukol dito.
Aniya, sakaling maglabas din ng suspension order ang Department of the Interior and Local Government laban kay Guo ay pahihintulutan pa rin ito ng poll body na makapaghain ng kaniyang certificate of candidacy sapagkat hindi aniya maituturing na final conviction o judgment sa kaso ang suspension order na inilabas laban sa isang opisyal.
Kung maaalala, una rito ay naglabas ng rekomendasyon ang DILG sa Office of the Ombudsman para suspindihin si Guo nang dahil sa kaniya umanong pagkakasangkot sa mga illegal na operasyon ng POGO sa bayan ng Bamban.
Habang naglunsad na rin ng sariling imbestigasyon ang National Police Commission upang ipatanggal ang kapangyarihan ni Guo bilang alkalde na mamahala sa mga pulis na nakadestino sa kanilang lugar.