Naglabas ng mga larawan ang kontrobersyal na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo kung saan makikitang kasama niya rito si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasunod ito ng naging pahayag ng pangulo na hindi niya kilala si Guo, at kung saan ito nagmula dahilan kung bakit kinakailangan talaga aniya na magsagawa ng imbestigasyon laban sa alkalde.
Ilang minuto matapos ang naging pahayag na ito ni Pangulong Marcos Jr. nag-upload ng kaniyang mga larawan si Guo kasama ang pangulo na kuha umano sa ginawang inspection nito sa Airport sa New Clark City access road noong Pebrero 20, 2024, kung saan ay naging panauhin umano siya sa aktibidad na ito.
Bukod dito ay mayroon ding mga naglabasang larawan niya na may petsang Mayo 8, 2024 kung saan nakasama niya rin si Pangulong Marcos sa kaniyang proclamation rally noong siya ay kumakandidato palang bilang isang presidential candidate.
Maliban pa sa pangulo, ay mga larawan din na makikitang kasama niya si Sen. Imee Marcos, at Speaker Martin Romualdez.
Matatandaan na una nang sinabi ni Sen. Imee na minsan na niyang nakasama sa isang aktibidad si Guo nang bumisita siya sa Tarlac para sa isang programa kasama ang DSWD.
Habang sa ngayon ay wala pa naman nagiging tugon ang Palasyo ng Malakanyang hinggil sa mga larawan na ito.