ILOILO CITY – Muli na namang nalagay sa kontrobersiya si Police Staff Sergeant Federico Macaya Jr., ang dating imbestigador ng Guimbal Municipal Police Station sa Iloilo.
Si Macaya ay naging usap-usapan matapos na dinis-armahan, pinosasan, sinipa, sinampal, at dinuraan pa sa mukha ni dating Iloilo 1st district Cong. Richard Garin habang tinutukan naman ito ng armas ng kanyang ama na si Guimbal Mayor Oscar Garin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo sa isang Pio Roy Conde ng Zone 4, Sambag Jaro, Iloilo City, sinabi nito na tinalakan siya ng asawa ni Macaya na si Lourdes Macaya kung saan nirereklamo nito ang umaalingasang na amoy ng dumi ng kanilang alagang manok.
Matapos malaman ni Macaya ang nangyari, sinira raw nito ang bakod na pagmamay-ari nila Conde at binantaan pa niya ito.
Ayon naman sa lolo ni Conde na si retired Police Chief Master Sergeant Celso Conde, desidido silang ituloy ang kaso laban kay Macaya.