-- Advertisements --

ILOILO CITY – Tuluyan nang sinampahan ng patong-patong na kaso ang kontrobersyal na pulis sa Iloilo na si Police Master Sergeant Federico Macaya Jr.

Kung maaalala, si Macaya ay naging kontrobersyal noon at dumalo pa sa Congressional inquiry matapos dinis-armahan, pinosasan, sinipa, sinampal, ginulpi at dinuraan pa sa mukha, ni dating Iloilo 1st district Cong. Richard Garin habang tinututukan naman ito ng armas ng kanyang ama na si Guimbal Mayor Oscar Garin.

Ngayon, nasa kontrobersisya uli si Macaya matapos namang mag-amok at nagbanta sa kanyang mga kapitbahay na mag-lolo na sina Pio Roy Conde, 23, apo ni retired Police Chief Master Sergeant Celso Conde, kapwa residente ng Barangay Sambag, Jaro, Iloilo City

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Rex Marcus Sarabia, legal counsel ng nakababatang Conde, sinabi nito na nagreklamo ang maybahay ni Macaya hinggil sa masangsang na amoy ng dumi ng kanilang alagang manok.

Ngunit sa hindi inaasahan, nagkasagutan ang nakababatang Conde at ang maybahay ng pulis.

Nang malaman ito ni Macaya, dito na niya sinipa ang bakod sa bahay ng mag-lolo at binantaan pa niya ang mga ito.

Kabilang sa mga kinakaharap ni Macaya ay mga kasong misconduct, conduct unbecoming of a police officer, at oppression.

Hindi rin isinasantabi ng mag-lolo na baka may mas malala pang gawin sa kanila ang pulis dahil may armas ito.