Mistulang kinain ni Sandra Lemonon ang kanyang anunsyo dalawang buwan na ang nakakaraan na titigil na siya sa pagsabak sa mga beauty pageant.
Ito’y ilang araw matapos ang abot-kamay nang tagumpay ng bansa sa Miss Grand International kung saan nasungkit ng ating pambato na si Samantha Bernardo ang first runner-up.
Ayon sa Taguig beauty, pinag-iisipan niya ang pagsali muli sa Binibining Pilipinas kung saan target nito ang maging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Grand International lalo’t nakaka-excite ang swimsuit production.
“Not going to lie, I am thinking about it. The swimsuit production got me excited,” ani Lemonon.
Noong 2016 ay sumali na siya sa Miss World Philippines at tinanghal na fourth Princess.
Taong 2018 naman nang maging kontrobersyal si Lemonon sa question and answer portion ng Binibining Pilipinas dahil sa pagiging tapat sa pagsagot na wala itong ideya sa Build, Build, Build program ng pamahalaan.
“Actually you know what, I studied so much for this Q&A, but sadly that’s something that I don’t know really much about. But at least I’m here trying to answer a good question. Thank you,” bahagi ng sagot nito.
Ang “Build, Build, Build” ay ang flagship project ng Duterte administration na ang sentro ay sa mga infrastructure.
Muli itong lumika ng ingay sa idinaos kamakailan na unang hiwalay na Miss Universe Philippines kung saan nagwagi ang Ilonggang si Rabiya Mateo, habang siya ay semi-finalist.
Gayunman, tila hindi na naituloy ni Lemonon ang banta nito na mayroon siyang isisiwalat hinggil sa nangyaring dayaan.