Ayaw na ng Kamara na maulit pa muli sa budget process ng magiging 2020 proposed national budget ang kontrobersya na dinaanan ng pambansang pondo ngayong taon.
Ayon kay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, ito ang dahilan kung bakit nagpatawag ang House appropriations committee ng oversight meeting ngayong araw para talakayin ang budget priorities framework para sa fiscal year 2020.
Sinabi ni Arroyo na hangad nilang makaiwas na sa kontrobersya kaya kahit maaga pa ay pinatawag na nila ang Department of Budget and Management para talakayin ang magiging pondo para sa susunod na taon.
Kung maaalala, ilang buwan na dumipende ang operation ng pamahalaan sa isang reenacted budget dahil sa isyu ng umano’y illegal insertions at realignments.
ito ang dahilan kung bakit inalis ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P95.3 billion sa 2019 national budget sa pamamagitan ng kanyang veto power.
Sa pagpupulong ngayong araw, sinabi ng DBM na hangad nilang gawing cash-based ang budgeting scheme sa 2020.
Target din nilang itaas sa P4.1 trillion ang pondo para sa sa implementasyon ng mga bagong batas at proyekto.