-- Advertisements --

Hinimok ng grupong Philippine Coalition for the ICC (PCICC) ang administrasyong Marcos Jr. na madaliin na ang planong kooperasyon sa International Criminal Court(ICC).

Ginawa ng grupo ang pahayag kasunod na rin ng statement kamakailan ni Department of Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na maaaring makipag-cooperate ang Pilipinas sa ICC ngunit sa limitadong paraan lamang.

Ayon kay PCICC co-chairperson Aurora Parong, ang pagiging bukas ng DOJ na makipag-usap o makipag-cooperate sa ICC ay matagal nang kailangan.

Kailangan aniyang madaliin na ito ng pilipinas at mula sa limitadong kooperasyon ay gawin nang full cooperation alang-alang sa mga biktima ng umano’y extrajudicial killings noong panahon ng nakalipas na administrasyon.

Kung mangyayari ito aniya maihahatid ng wasto ang hustisya hindi lamang sa Pilipinas kung di maging sa international level.

Kasabay nito ay hinikayat ni Parong ang pamahalaan na lansagin na ang umano’y mga death squad sa bansa upang mapigilan ang mga pag-atake sa mga tao at komunidad.

Apela ni Parong, kailangang pangunahan ng pamahalaan ng Pilipinas ang cultural transformation mula sa mistulang walang paki-alam o hinahayaan lamang ang mga nangyayaring krimen tungo sa isang pamahalaan na may paki-alam at may pagmamahal sa mga tao.

Ayon naman kay ICC assistant to counsel Kristina Conti, ang naging pahayag ni Sec. Remulla ay consistent lamang sa probisyon ng Rome Statute, ang kasunduan na bumuo sa ICC.

Ayon kay Conti, naatasan ang pamahalaan ng Pilipinas na imbestigahan at usigin ang mga extra-judicial killing atbpang katulad na krimen kasunod ng dating pagiging-miyembro ng bansa sa international body.