Inatasan na ni AFP chief Gen. Gilbert Gapay ang mga military units na palakasin pa ang kanilang koordinasyon sa mga human rights bodies upang iulat ang mga pag-abusong ginawa ng komunistang New People’s Army.
Ayon kay Gapay, ito raw ay upang mapangalagaan at isulong ang kapakanan ng mga non-combatants.
“Let us endeavor to raise all violations of human rights and international humanitarian law to legitimate organizations that are mandated to protect and promote the well-being of non-combatants,” wika ni Gapay.
“Let us empower civilian agencies and work together with them in ensuring that pertinent laws are respected and the full weight of the law pressed upon the violators,” dagdag nito.
Una nang isinumite ng AFP sa United Nations (UN) at sa Commission on Human Rights (CHR) listahan ng mahigit 500 insidente ng pag-atake umano ng mga NPA sa mga sibilyan mula noong 2010.
Inakusahan naman ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang militar na nag-iimbento umano ng mga datos upang magbigay ng impresyon na inaatake ng NPA ang mga sibilyan.
Nanawagan na rin ang CHR sa CPP at sa AFP na igalang ang batas at ang karapatang pantao.