-- Advertisements --

Naniniwala si international law expert, Atty. Rodel Taton na isang ‘give and take’ ang nangyari sa pagitan ng Pilipinas at Interpol, kasunod ng pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rody Duterte.

Ayon kay Taton, mahalaga ang pagtalima ng Pilipinas sa commitment nito sa Interpol dahil bahagi ito ng tungkulin ng bansa bilang miyembro ng International Police.

Sa pamamagitan nito aniya, makaka-asa rin ang Pilipinas na tutulungan ito ng Interpol sa mga pagkakataong kailangan ng bansa ang tulong nito, tulad ng paghuli sa mga puganteng magtatago sa ibang bansa.

Giit ni Atty. Taton, kung hindi man sana pinagbigyan ng Pilipinas ang ‘kooperasyon’ na hinihiling ng Interpol, tiyak na mayroon itong epekto sa kung paano ituring ng bansa ang Pilipinas, lalo na sa mga pagkakataong papasok ang bansa sa isang kasunduan kasama ang ibang bansa.

Posible aniyang mag-aatubili ang ibang bansa na makipag-deal sa Pilipinas, dahil lalabas na hindi sinusunod ng bansa ang mga obligasyon nito, sa kabila ng pinirmahang kasunduan.

Ayon kay Atty. Taton, magkakaroon din ito ng epekto sa ibang mga sektor tulad ng ekonomiya ng bansa dahil tiyak na mapapalakas ang tiwala ng international community sa bansa.