Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kooperasyon sa Senado kaugnay sa planong imbestigasyon hinggil sa pagbabalik sa duty status ng grupo ni Supt. Marvin Marcos na sangkot sa pagpatay kay dating Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, bukas sila sa anumang pag-iimbestiga kaugnay sa isyu kay Marcos lalo na sa Senado.
Pahayag ni Carlos na hindi nila lalabagin ang kanilang police procedure, bagkus ay tamang proseso ang kanilang sinunod sa pagbabalik sa duty status kay Marcos.
Hindi naman aniya papayag si PNP chief police director Gen. Ronald Dela Rosa na malabag ang kanilang mga karapatang pantao.
Pinasinungalingan naman ng heneral ang ulat na dahil malakas si Marcos kay Pangulong Rodrigo Duterte kung kaya nakabalik agad ito sa serbisyo.
Kung maaalala sa isinagawang pagdinig sa Senado, inamin ng drug lord na si Kerwin Espinosa na sangkot din si Marcos sa illegal drug trade at kinokotongan daw siya nito ng malaking halaga.
Samantala, mismong si Sen. Ping Lacson ay umalma sa naging desisyon ng pangulo na ibalik sa puwesto si Marcos.