-- Advertisements --
KAPA JOEL APOLINARIO 2
KAPA founder Pastor Joel Apolinario

BUTUAN CITY – Nakikipag-ugnayan na ang Police Regional Officer (PRO-13) sa pulisya ng Bislig City sa lalawigan ng Surigao del Sur para mabigyan sila ng furnished copy ng arrest warrant na pinalabas ng korte laban kay Kabus Padatoon o KAPA Community Ministry International Incorporated founder Joel Apolinario at sa kanyang mga kasamahang opisyal.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay Major Renel Serrano, information officer ng nasabing tanggapan, sinabi nito na kahapon pa sila nakakuha ng impormasyon ukol dito ngunit wala pa silang natanggap na kopya ng arrest warrant dahilan na wala pa silang magawang hakbang lalo na sa pag-aresto kay Apolinario.

Sakaling mapasakamay na nila ang kopya ng arrest warrant ay kaagad nila itong i-upload sa e-warrants ng PNP upang makita ng lahat ng mga police stations sa buong bansa at magagamit sa pag-aresto sa mga responsable sakaling makita ang mga ito sa kanilang area of responsibility.

Kasali sa ipinapaaresto ng korte ang asawa nitong si Reyna Apolinario at mga kasamahang sina Marisol Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia at Reniones Catubigan.

Ang warrants of arrest ay inisyu matapos maghain ang mga prosecutors ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) dahil sa paglabag ng KAPA sa Republic Act No. 8799 o ang Securities Regulation Code.