BACOLOD CITY – Natanggap na ng Sugar Regulatory Administration ang kopya ng temporary restraining order na inilabas ng mga korte sa Negros Occidental laban sa importasyon ng 200, 000 metric tons ng refined sugar ngayong taon.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay SRA Administrator Hermenigildo Serafica, dalawang korte ang naglabas ng TRO – ang Regional Trial Court Branch 73 sa Sagay City at RTC sa Himamaylan City.
Aniya, nakatakda bukas ang hearing sa korte sa Himamaylan samantalang Pebrero 24 naman ang pagdinig sa RTC Branch 73.
Ayon kay Serafica, magpapadala ang SRA ng representative sa Himamaylan bukas dahil face-to-face ang hearing.
Dahil nagpapatuloy ang kaso sa korte, tumanggi na si Serafica na magbigay ng komento kaugnay sa writ for preliminary injunction na isinampa ng sugar industry groups sa Negros Occidental dahil ayaw nitong majeopadize ang position ng SRA.
Tumanggi na rin ang opisyal na magbigay ng pahayag kaugnay sa hiling ng sugar industry leaders sa Negros Occidental na ipagpaliban ang importasyon hanggang sa off-milling season dahil babagsak ang presyo ng asukal na pangunahing produkto ng lalawigan.
Nabatid na nakasaad sa Sugar Order No. 3 na inilabas ni Serafica na kailangan ng Pilipinas na mag-import ng 200,000 metric tons ng refined sugar dahil sa pinsalang dulot ng Bagyo Odette sa tubo na makakaapekto sa supply ng asukal.