-- Advertisements --

ROXAS CITY – Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act at Republic Act 9028 o Human Trafficking ang isang Korean national na nasa likod ng recruitment scam sa Capiz.

Ito’y matapos maaresto ang dayuhang si Kim Tae-hyoung sa Olongapo City kasama ang girlfriend nitong nakilala na si Cynthia Raboy.

Ang naturang mga indibidwal ay nadakip sa ikinasang entrapment operation ng Olongapo at Zambales–Criminal and Investigation Detection Group Field Units, 301st MARPSTA at Castillejos Municipal Police.

Nabatid na matagal na umanong minamanmanan ang Koreano dahil sa mga reklamo laban sa kaniya ng mga indibidwal na naghahanap ng trabaho na nakapagtapos ng Korean language school sa bayan ng Castillejos sa Zambales.

Nagpapakilala raw si Kim bilang kinatawan ng Hyundai South Korea at nangangako ng trabaho sa kaniyang mga biktima na hinihingan nito ng P40,000 bawat isa bilang placement fee.

Nabatid na si Kim sin ang nasa likod ng illegal recruitment sa Capiz noong nakaraang taon kung saan umaabot sa higit-kumulang 260 indibidwal ang kaniyang nabiktima kasama ang dating nobya na isang Capizeña na si Ramilyn Andrade.