-- Advertisements --

Hinatulan ng dalawang taong pagkakakulong ang isang Korean national matapos siyang mapatunayang guilty sa pagpatay sa isang Asong Aspin (Aspin) sa Malate, Manila.

Nangyari ang naturang krimen noong buwan ng Marso, 2024.

Kinilala ito sa pangalang Jung Seongho. Maliban sa dalawang taong pagkakakulong, pinagbabayad din siya ng P100,000 na multa.

Batay sa naging desisyon ng korte, napatunayan umano ng prosecution na guilty ang akusado. Dinakma umano niya ang aso mula sa kusina ng isang restaurant na pag-aari ng isang nagngangalang Wilma Kenji Lim.

Ginamit umano ng akusado ang isang kitchen knife para saksakin ng ilang beses ang aso na dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay. Napatunayan din umano ng prosecution na hindi nagpakita ang naturang aso ng aggresyon tungo sa akusado, bago niya ito tuluyang pinatay.

Mismong ang may-ari ng restaurant ang nagreklamo sa naturang akusado.

Katwiran naman ng akusado, kinagat umano siya ng isang aso. Nagpatulong umano siya sa waitress ng naturang restaurant ngunit matapos linisin ang bite wound ay agad nang kinuha ng akusado ang kutsilyo at sinaksak ang aso.

Kinalaunan, natukoy na ang asong kumagat sa Korean national ay iba mula sa asong kaniyang pinatay.

Ayon sa korte na naglabas ng desisyon, ang ginawa ni Jung Seongho ay maituturing na animal cruelty, isang paglabag sa Animal Welfare Law sa bansa.