KALIBO, Aklan – Patay na nang matagpuan ang isang Koreano sa loob ng kuwarto ng isang resort sa Boracay.
Kinilala ang wala ng buhay na turista na si Do Youngki, 34-anyos.
Ayon sa pamilya ng biktima, nagtaka sila kung bakit hindi pa ito lumalabas sa kanyang kuwarto matapos na magpahinga dahil sa diarrhea.
Nang buksan ang kuwarto, tumambad ang nakabulagtang katawan ng Koreano na wala ng buhay.
Kaagad humingi ng tulong ang mga kaanak nito sa tauhan ng resort upang madala sa isang klinika ngunit hindi na naisalba pa.
Lumilitaw sa pagsusuri ng doktor na inatake ang dayuhan ng cardio-pulmonary arrest.
Sinasabing pagkatapos mag-island hopping ay kumain ang Koreano ng aligi ng alimango at sugpo na pinapaniwalaang dahilan ng pagsama ng kanyang pakiramdam.